Magandang balita para sa public school teachers.
Kasalukuyang inihahanda ng Department of Education (DepEd) ang ilang benefit packages para sa mga guro sa pampublikong paaralan.
Ayon kay Education Undersecretary for Finance Annalyn Sevilla, sakop ng benefit package ang annual medical check-up, insentibo para sa World Teacher’s Day (WTD), hazard pay at COVID-19 benefits at packages at iba pa.
Target ng kagawaran na makapaglabas ng P400 million na budget para sa taunang annual medical examination para sa mga guro na nagkakahalaga ng tig-500 pesos.
Nasa P900 million ang budget ng DepEd para sa 1,000 pesos incentive para sa WTD Celebration sa October 5 kasabay ng pormal na pagbubukas ng klase.
Sa ilalim ng Administrative Order 26, ang lahat ng empleyado na pisikal na pumasok sa trabaho sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) o Modified ECQ ay makakatanggap ng 500 pesos na hazard pay kada araw.
Nakikipag-coordinate na rin ang DepEd sa Employees Compensation Commission, PhilHealth at Government Service Insurance System (GSIS) para sa pagbibigay ng suporta sa teaching at non-teaching personnel na nagkasakit ng COVID-19.