Tiniyak ng Department of Education (DepEd) sa Senado na hindi na nila pinauubaya sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ang procurement o pagbili ng kanilang mga kailangang items para sa ahensya.
Inihayag ni Senator Pia Cayetano na siyang sponsor ng DepEd budget sa plenaryo, na mismong ang kagawaran na ang humahawak ng kanilang procurement at itinigil na ang nakagawiang pagpapatulong sa PS-DBM.
Magsasagawa na rin ng forum para sa mga potential suppliers ang DepEd upang direkta na nilang maririnig ang mga available na produkto.
Kasalukuyang tinutugunan na rin ng ahensya ang kinakaharap nilang problema sa procurement problem partikular sa computerization at digitalization program.
Matatandaang nakwestyon na sa Senado ang legalidad sa naging proseso ng pagbili sa kontrobersyal na P2.4 billion na overpriced na laptops na binili ng DepEd sa pamamagitan ng PS-DBM noong kasagsagan ng pandemya.
Kaugnay sa overpriced na laptops ay hiniling na rin ng DepEd sa Commission on Audit (COA) na magsagawa ng fraud audit para rito.