DepEd, tinuligsa ang mga taong ginagamit ang pagkamatay ng isang estudyante sa Albay laban sa pagbubukas ng klase ngayong Agosto

Huwag gamitin sa pansariling agenda ang pagkamatay ng isang mag-aaral sa Sto. Domingo, Albay para lang sirain ang mga plano ng Department of Education (DepEd) sa pagbubukas ng klase ngayong Agosto.

Ito ang naging pahayag ng pamunuuan ng DepEd matapos kumalat ang balita na isang Grade 9 student sa nasabing lugar ang nag-suicide dahil umano sa kakulangan ng panggastos para sa online education.

Ayon kay DepEd Undersecretary Alain Pascua, inimbestihagan na nila ang pangyayari, subalit hindi na nila ito isasapubliko bilang respeto sa mga magulang at pamilya na iniwan ng batang nasawi.


Muling iginiit nito na hindi pinipilit ng DepEd sa mga magulang ang online education, dahil meron naman aniya mga printed educational materials para doon sa walang mga internet connection at gadget.

Maliban dito, maaari rin makapag-aral ang mga bata sa pamamagitan ng TV at radyo.

Aniya, ang online education ng DepEd ay isa lang sa mga pamamaraan ng pagtuturo na pwedeng gamitin ng isang guro at mag-aaral habang umiiral pa ang banta ng COVID-19 sa bansa.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamunuan ng kagawarang pang-edukasyon ng bansa sa pamilya ng batang nasawi.

Facebook Comments