Kumpiyansa ang Department of Education na maaabot nito ang kanilang target enrollees para sa School Year 2020-2021.
Ito ay sa kabila ng banta ng COVID-19 sa bansa na nagdudulot ng pangamba sa mga magulang dahilan upang hindi muna papasukin sa eskwelahan ngayon taon ang kanilang mga anak.
Sa interview ng RMN Manila kay DepEd Undersecretary Atty. Tonisito Umali, batay sa kanilang data, umabot na sa 10.9 million public school learners ang nakapag-enroll simula nang umarangkada ang enrollment noong June 1, 2020.
Aniya, halos kalahati na ito ng target na 22.5 million learners ngayon taon.
Nabatid na sa bilang ng mga enrollees pagbabatayan ng DepEd ang mga gagawing hakbang sa magiging mode of learning ng mga bata sa pasukan.
Sinabi ni Umali na bukod sa mga learning modules na ginagawa na, nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga TV at Radio Stations sa bansa para sa mga liblib na lugar na hindi maabot ng internet connection.
Kamakailan lamang, sa pakikipagtulungan ng DepEd sa ating RMN Station na IFM Cauayan ay inilunsad ang “Halika, Magbasa tayo program”, na nakatutok sa pagtuturo sa mga bata sa Cauayan City, Isabela.