
Nakahanda na ang Deployable Response Group (DRG) ng Coast Guard District Southern Tagalog para sa agarang pagtugon sa posibleng epekto ng Bagyong Crising.
Nabatid sa pinakahuling ulat mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahan ang malalakas na pag-ulan dulot ng bagyo na maaaring magdulot ng pagbaha sa ilang lugar sa southern tagalog region.
Naka-full alert status na ang (DRG) at mga istasyon ng Coast Guard kung saan nakaposisyon na ang mga tauhan at kagamitan upang agad magsagawa ng search and rescue operations at iba pang kinakailangang humanitarian assistance sa oras ng sakuna.
Nakapag-ugnayan na rin ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga lokal na ahensya ng gobyerno, kabilang ang Municipal at City Disaster Risk Reduction and Management Offices (M/CDRRMO) at iba pang katuwang na mga unit, para sa maayos na pagpapatupad ng response operations at pagbabahagi ng impormasyon.
Pinapayuhan naman ang mga mangingisda at iba pang gumagamit ng maliliit na sasakyang-pandagat na pansamantalang umiwas sa paglalayag hangga’t hindi bumubuti ang lagay ng panahon upang maiwasan ang anumang insidente sa dagat.









