Deployment ban sa health workers, pinapatanggal nina Senators Hontiveros at Villanueva

Iginiit nina Senators Risa Hontiveros at Joel Villanueva sa Inter-Agency Task Force na alisin ang pagbabawal sa ating health workers na makapagtrabaho sa ibang bansa.

Ang apela ni Hontiveros ay nakapaloob sa liham na ipinadala niya kina IATF Chairperson Secretary Francisco Duque III at IATF Co-Chair Secretary Karlo Nograles.

Nauunawaan ni Hontiveros ang pangangailangang i-prayoridad ang ating health care system pero hindi aniya dapat sayangin ang sakripisyo ng mga health workers na naglaan ng oras sa training at sa proseso ng kanilang pag-alis, bukod sa marami rin ang nangutang o nagbenta ng ari-arian.


Ayon sa mga health workers na dumulog kay Hontiveros, kailangan nilang umalis para kumita para sa kanilang pamilya, habang ang ilan ay delikadong mademanda kapag hindi nila natupad ang kanilang employment contract.

Diin naman ni Senator Villanueva, dapat balansehin ng pamahalaan ang mga ipinapatupad na regulasyon o polisiya sa realidad na kailangan ng mga health workers na kumita para mabuhay ang kanilang pamilya.

Ikinadismaya rin ni Villanueva ang magulong implementasyon ng deployment ban kung saan may mga hinarang ang Bureau of Immigration nitong Linggo na mga health workers patungong United Kingdom kahit sila ay matagal ng may kontrata.

Mungkahi nina Hontiveros at Villanueva, sa halip na magpatupad ng deployment ban ay mas mabuting itaas ng gobyerno ang sweldo ng mga health workers, bigyan ng nararapat na mga benepisyo at ayusin ang kanilang working condition para mahikayat silang manatili rito sa Pilipinas.

Facebook Comments