
Pinamamadali ni Senator Sherwin Gatchalian sa Bureau of Immigration (BI) at sa Department of Justice (DOJ) ang deportation ng mga naarestong dayuhang POGO worker.
Kaugnay na rin ito sa report ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na marami sa mga foreign POGO detainee ang nagkakasakit na sa loob ng detention facility.
Sinabi ni Gatchalian na batay sa mga nakita niyang video at larawan sa loob ng detention ay hindi na makatao ang kalagayan ng mga nakapiit na POGO workers.
Punto pa ng senador, hindi naman nakadisenyo ang pasilidad para gawing bilangguan kaya dapat na madaliin na ang deportation partikular ang mga POGO foreign workers na wala namang kaso.
Muling umapela si Gatchalian na tiyakin ng BI na sa direct flight isasakay ang mga deportee upang hindi na maulit na matakasan dahil sa isinakay ang mga ito sa flight na may layover at hinayaang magbayad ng kanilang mga plane ticket.