
Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) tungkol sa bagong modus ng human trafficking kung saan ang mga biktima ay pinagpapanggap bilang misyonaryo sa isang simbahan.
Ayon kay Commissioner Joel Anthony Viado, tatlong babae ang nahuli ng mga Immigration officer sa NAIA Terminal 3 noong Abril 1, habang nagtangkang magpanggap bilang mga miyembro ng Church Missionary.
Nakatakda sana silang lumipad patungong Singapore na magkokonekta sa Thailand.
Aminado ang mga biktima na sila ay mga guro na ni-recruit para sa ilegal na trabaho sa isang paaralan sa Thailand kung saan ang babaeng trafficker na nag-recruit sa kanila ay inamin na wala siyang lisensya.
Hawak na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga biktima para sa karagdagang tulong habang kinasuhan na ng BI ang nasabing recruiter.