Nakikipag-ugnayan na ang Airport Police Department (APD) sa Bureau of Immigration (BI) para sa deportation sa dalawang Nigerian Nationals na utak ng Honey Love scam.
Ayon kay APD Chief Col. Adrian Tecson, kailangang maipa-deport ang dalawang dayuhang suspek upang hindi na ito maka-pambiktima sa Pilipinas.
Aminado naman si Tecson na hindi pa maitururing na paralisado ang operasyon ng sindikato dahil marami pa aniyang galamay ang honey love scam.
Mananatili muna sa kustodiya ng APD-PIID ang mga suspek habang hinihintay ang deportation papers
Ang mga Nigerian na suspek na sina Promise Iwunamara at Oliver Ugonna ay naaresto sa entrapment operation sa Calasiao, Pangasinan.
Kasama rin sa mga nadakip ang 2 Pinay na kinakasama ng mga ito.
Modus ng sindikato ang ligawan ang kanilang target at kapag nahulog na ang loob nito ay magkukunwaring may naipit na cargo o package sa Bureau of Customs (BoC) at dito na sila hihingi ng pera sa biktima.
Kapag nakuha na ang pera ay bigla na lamang na maglalaho ang mga suspek tulad ng pag-block sa social media account, sa kanilang biktima.