Dept. of Foreign Affairs, walang balak maghain ng protesta laban sa China kasunod ng umano’y bantang giyera laban sa Pilipinas

Manila, Philippines – Walang balak ang Department of Foreign Affairs na maghain ng diplomatic protest laban sa China.

Kasunod ito ng umano’y bantang giyera ng China oras na ituloy ng Pilipinas ang planong oil exploration sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Una rito, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagkwento tungkol sa nasabing babala ng China.


Ayon kay Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, pwedeng magsampa ng panibagong kaso sa UN Tribunal ang Pilipinas dahil labag sa UN charter at iba pang international treaty na nilagdaan ng dalawang bansa ang bantang giyera ng China, bagay na sinang-ayunan ni Senador Ping Lacson.

Pero para kay DFA Sec. Alan Peter Cayetano – maituturing lang itong banta kung walang nangyayaring dayalogo sa pagitan ng Pilipinas at China.

Naniniwala rin si Senador Dick Gordon na hindi banta kundi prangkang pahayag lang ang sinabi ng China sa gitna ng negosasyon.

Gayunman, hindi na dapat aniya ito isinasapubliko ng Pangulo.

Kaugnay nito, sinabi ni Senador Bam Aquino na panahon na para magkaroon ng pagdinig ang Senado para bigyang-linaw ng administrasyon ang sinasabing foreign policy ng Pangulo.

DZXL558

Facebook Comments