Umalma si House Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman sa hirit ni dating Senator Bongbong Marcos na silipin din ng Korte Suprema ang tatlong probinsya sa Mindanao na pinaniniwalaan nitong nagkaroon ng dayaan sa Vice Presidential post noong 2016 election.
Pinapaimbestigahan naman ngayon ni Marcos sa Presidential Electoral Tribunal (PET) ang tatlong probinsya ng Basilan, Maguindanao at Lanao del Sur matapos na lumabas sa resulta ng recount sa tatlong probinsya na pinili ng dating senador, ang Negros Oriental, Iloilo at Camarines Sur, na lumamang pa ng husto si Vice President Leni Robredo.
Nanawagan si Hataman sa PET na ibasura na ang protesta ni Marcos dahil wala naman itong matibay na basehan.
Iginiit pa ng kongresista ng Basilan na bumoto ang kanyang mga constituents base sa kanilang konsensya at inihalal si Robredo ng marami doon dahil ito ay nangampanya ng husto, naglaan ng oras at nagkaroon ito ng magandang ugnayan sa mga taga Bangsamoro.
Habang si Marcos naman ay hindi naman nagtungo at hindi rin nangampanya sa ilang lugar sa Mindanao at sa ARMM.
Bukod pa dito, inaayawan din umano ng mga taga Bangsamoro si Marcos dahil sa mga karahasan at pangaabuso na naranasan noong panahon ng diktaturyang Marcos.
Ito aniya ang malinaw na dahilan kung bakit mataas ang nakuhang boto ni Robredo sa ARMM na deserved naman na makuha ng Bise Presidente ng bansa.