Dumistansya si Presidential Son at Davao City Representative Paolo Duterte sa dalawang nagbabanggaan sa pagka-Speaker, sina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Sa post ni Duterte sa viber group ng mga kongresista, hindi siya makikialam sa isyu ng dalawang kongresista dahil pareho niyang kaibigan ang mga ito at ayaw niyang may papaboran.
Nabatid din sa isang malapit kay Duterte na nakiusap si Velasco sa anak ng Pangulo na siya ay ipangampanya para maupong lider ng Kamara.
Hindi naman umano maitatanggi ang term-sharing agreement kaya mayroong karapatan si Velasco na igiit ang pag-upo bilang Speaker pero hindi rin maisasantabi ang suporta ng maraming kongresista kay Cayetano.
Umaasa rin ang batang Duterte na kung darating man ang panahon na kailangang magbotohan, ay mapili sana ng mga kongresista ang nararapat na lider na makakatuwang sa pagpapa-unlad ng mga distrito at muling mapag-iisa ang Mababang Kapulungan.