Higit 30 pasyente, sumailalim sa clinical trials ng lagundi para sa COVID-19

128

Inihayag ng Department of Science and Technology (DOST) na sinimulan na nila ang clinical trials ng lagundi bilang supplement treatment laban sa COVID-19.

Ayon kay Dr. Jaime Montoya, Executive Director of DOST-Philippine Council for Health Research and Development, inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) at ethics review board ang clinical trial sa lagundi kung saan sa 150 pasyente na isinailalim sa screening, 37 sa kanila ang nag-qualify para sa nasabing pag-aaral.

Sinabi pa ni Montoya na ang ginagawa nilang clinical trial ay para malaman kung maari bang maging supplement treatment ang lagundi upang hindi na lumalala pa ang sintomas ng COVID-19.

Bukod sa lagundi, kasalukuyan na rin ginagawa ang clinical trials sa virgin coconut oil habang hinihintay pa rin ng DOST na maaprubahan ng ethics review board ang pagsasagawa naman ng clinical trials sa tawa-tawa na isang traditional herbal medicine.

Samantala,lumalabas naman sa isang pag-aaral ng mga researchers sa boston na mas mababa ang panganib na masawi sa COVID-19 ang mga pasyenteng may hika kumpara sa mga walang hika.

Base sa ginawang pag-aaral sa Boston Health Care System., 562 asthma patients ang mayroong COVID-19 at 2,688 naman ang kabuuang bilang ng mga walang hika na dinapuan ng virus.

Batay pa sa pagsusuri, 70% ang tsansa na mabuhay ang may hika na tinamaan ng virus at walang namatay sa 44 na may malalang asthma na dinapuan din ng COVID-19.




Facebook Comments