Manila, Philippines – Determinado ang United Filipino Consumers and Commuters o UFCC na ipatigil ang dagdag pasahe sa mga jeep at bus.
Sabi ni UFCC President RJ Javellana, susulat ulit sila kay Pangulong Rodrigo Duterte at kay Transportation Secretary Arthur Tugade para sa kanilang mungkahi.
Giit ni Javellana, naniniwala sila na dapat ipatigil ang dagdag pasahe dahil tuloy-tuloy naman ang pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Samantala, dumaing naman ang ilang tsuper sa magulong sistema sa pagkuha ng bagong fare matrix sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Reklamo pa ng mga ito, masyadong mahal ang P610 na bayad para lamang sa kapirasong papel.
Pero kung naging magulo ang sistema sa LTFRB-NCR Office ay naging maayos at payapa naman ang pagkuha ng fare matrix sa LTFRB-Central Office.