
Inaasahang mailalabas na bukas ng Commission on Elections (COMELEC) ang ruling kaugnay sa isyu ng Statement of Contributions and Expenditures o SOCE ni Sen. Rodante Marcoleta.
Ito ay kaugnay sa hindi umano pagkakatugma ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) at SOCE ni Marcoleta nang tumakbo noong 2025 elections.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, isinasapinal na ang ruling kaugnay sa kaso matapos na magsumite ng posisyon ang mga commissioner.
Batay sa SOCE ni Marcoleta, mahigit P112 ang ginastos nito nang tumakbo bilang senador at walang natanggap na campaign donation pero P51.9 million lamang ang kaniyang net worth batay sa idineklarang SALN.
Sabi ni Garcia, dito malalaman kung maaaring pagmultahin si Marcoleta sakaling mapatunayang pineke ang SOCE.
Pero pwede rin aniyang hindi na ito umusad pa at ibasura ang imbestigasyon depende sa ilalabas na ruling ng poll body.
Bago niyan, sinabi ng COMELEC na naging kumplikado ang pagresolba nila sa kaso lalo’t may ni-refer din sa kanila ang Office of the Ombudsman na kaparehong reklamo kaugnay rito.










