Maghihintay muna ang Philippine National Police (PNP) ng desisyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay ng sarili nilang kasunduan sa University of the Philippines (UP).
Ito ay makaraang ipawalang bisa ng Department of National Defense (DND) ang kanilang kasunduan sa UP na naglilimita sa mga sundalo sa loob ng campus.
Ayon kay PNP Chief PGen. Debold Sinas, sinusuportahan ng PNP ang hakbang ng DND ngunit ayaw niyang pangunahan ang DILG kung kakanselahin din o hindi ang kasunduan ng PNP at UP na nilagdaan noong panahon ni dating DILG Sec. Rafael Alunan.
Paliwanang ni Sinas, sa ilalim ng kasunduan kung may kailangang arestuhin o imbestigahan sa loob ng UP ay kailangang ipaalam muna sa pamunuan ng UP, na inaabot aniya ng siyam-siyam.
Kaya kung kakanselahin din aniya ang kanilang kasunduan sa UP, mas madali na ang access ng mga pulis sa unibersidad para gampanan ang kanilang tungkulin.
Ngunit siniguro ni Sinas na hindi makikialam ang mga pulis sa kalakaran sa loob ng paaralan at ang pagpapanatili ng peace and order lang kanilang gagawin.