Desisyon ng Estados Unidos na huwag magbigay ng working visa sa mga Pilipino – inirerespeto ng Palasyo

Manila, Philippines – Iginagalang ng Palasyo ng Malacañang ang Desisyon ng Estados Unidos ng Amerika na maglabas ng kautusan na nagbabawal sa pagbibigay ng working visa sa mga Pilipino ng isang taon.

Batay sa kautusan ng US Department of Homeland Security ay ipinagbawal muna ang pabibigay ng H-2A at H-2B Visas dahil sa mga kaso ng overstaying at human trafficking.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, matagal nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na anumang mga batas na ipinatutupad ng ibat ibang bansa ay kanyang igagalang at anoman ang ipatupad ng Pilipinas ay dapat ding igalang ng ibang mga bansa.


Paliwanag ni Panelo, kung ito ang batas ng Estados Unidos ng Amerika at may mga Pilipinong lumabag dito ay kailangan itong igalang ng Pamahalaan.
Pero sa kabila nito ay tiniyak ni Panelo na gagalaw parin ang Pamahalaan ng Pilipinas kung hindi tama ang pagtrato sa ating mga kababayan sa ibang bansa.

Tiyak naman aniyang pinagaralan ng Estados Unidos ang issue bago ilabas ang kautusan kaya hindi ito maaaring pakialaman ng Pilipinas at ang tanging magagawa lang aniya ng bansa ay tiyakin na mapigilan ang mga insidente ng Human trafficking.

Sinabi din ni Panelo na maaari parin namang humingi ng rekonsiderasyon ang Pilipinas sakaling walang basehan ang kautusan ng Estados Unidos ng Amerika.

Facebook Comments