
Inaasahang bukas ay iaakyat na sa plenaryo ng Kamara ang rekomendasyon ng House Committee on Ethics and Privileges kaugnay ng mga reklamong kinakaharap ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga.
Sinabi ito ni National Unity Party member at Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano matapos ang pagdinig ng komite ngayong araw na hindi sinipot ni Barzaga.
Ayon kay Valeriano, posibleng irekomenda ng komite na muling patawan ng suspensyon si Barzaga o tuluyan na itong patalsikin bilang miyembro ng Kamara.
Binanggit ni Valeriano na ilan sa mga naghain ng ethics complaint laban kay Barzaga ay sina Rep. Janette Garin at 29 na miyembro ng NUP, kabilang si Valeriano, na umaming nais niyang expulsion ang maging parusa kay Barzaga.
Nagtapos na rin ang 60-araw na suspensyon ni Barzaga na nagsimula noong December 1, 2025.










