Manila, Philippines – Pinagbigyan ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang hiling ni Solicitor General Jose Calida na dinggin sa isang Executive Session ang pagharap nina martial law administrator at Defense Sec. Delfin Lorenzana at martial law implementor at AFP Chief Gen. Eduardo Año.
Sabi ni Supreme Court Spokesman Atty. Theodore Te, layunin nitong mapangalagaan ang mga sensitibong impormasyong isisiwalat ng dalawa.
Ayon naman kay Calida, tiwala silang nakumbinse nila ang mga mahistrado lalo’t mas detalyado ang naipresenta nilang mga impormasyon sa harap ng mga ito.
Sa tatlong petitioner, tanging si Albay Rep. Edcel Lagman lang ang pinayagang makadalo sa internal discussion.
At dahil dito, nadismaya ang grupong Bayan sa pangunguna ni Atty. Neri Colmenares.
Natapos sa internal meeting ang pagdinig ng Korte Suprema sa mga petisyon na kumokontra sa martial law.
Sa Lunes (June 19), kailangang makapagsumite ang magkabilang panig ng kani-kanilang mga memoranda at mayroon namang hanggang July 5 (Miyerkules) ang SC para desisyunan ang naturang isyu.