Hinihikayat ni Puwersa ng Bayaning Atleta o PBA Partylist Rep. Jericho Nograles ang Philippine Sports Commission (PSC) na i-overrule o i-reject ang desisyon ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na alisin sa national team ang Olympic pole vaulter na si EJ Obiena.
Giit ni Nograles, Vice Chairman ng House Committee on Youth and Sports Development, ang ginawa ng PATAFA sa Filipino pole vault star ay isang paglabag umano sa Konstitusyon.
Malinaw aniyang nakasaad sa Section 19 ng Article 14 ng Philippine Constitution na dapat hikayatin ng estado ang mga sports competition na naging daan naman para mabuo ang Republic Act 6847 na lumikha sa PSC.
Ipinunto pa ng kongresista na sa ilalim din ng batas, ang PATAFA na gumaganap bilang National Sports Association ay nasa ilalim ng pamamahala at kapangyarihan ng komisyon.
Bukod dito, tinukoy ng mambabatas na ang Philippine Olympic Committee ang siyang responsable naman sa paglahok ng bansa sa international sports competitions kaya anumang desisyon ng PATAFA ay dapat na balewalain.
Umapela pa ang mambabatas sa PSC na patuloy na suportahan si Obiena dahil kung hindi ay mananakawan nanaman tayo ng pagkakataon na makakamit ng gintong medalya sa Asian Championships, SEA Games, Asian Games at World Championships.