Iginagalang ng Senado ang desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang petisyon ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso na humahamon sa constitutionality ng memorandum na inisyu noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nag-uutos sa government officials na huwag dumalo sa pagdinig patungkol sa kwestyunableng pagbili ng COVID-19 medical supplies noong 2021.
Giit ni Senate President Juan Miguel Zubiri, hindi apektado ang Senado dahil ang ruling o desisyon ng Supreme Court ay hindi nakabawas o nakaapekto sa matagal nang naitatag na doktrina ng Senado na kapangyarihan na magsagawa ng imbestigasyon ‘in aid of legislation’.
Aniya, procedural o sa pamamaraan ang naging batayan ng Korte Suprema na i-dismiss ang kaso at hindi batay sa substantive grounds o nilalaman nito.
Ikinonsidera aniya ng korte na ‘premature’ ang paghahain ng kaso kung saan sinasabing ang jurisdictional issue na inilatag ng Ehekutibo ay dapat na unang naresolba ng Senado gamit ang kanilang sariling rules.
Ipinagpapalagay naman aniya ng Mataas na Kapulungan na ang ruling ng SC ay kumikilala pa rin sa kapangyarihan ng Kongreso na magsagawa ng mga imbestigasyon sa kondisyon na ang pagsisiyasat ay magagamit at kinakailangan para sa pagbuo ng batas.
Tiniyak pa ni Zubiri na pag-aaralan nila ang desisyon ng Korte Suprema at gagamitin ito para palakasin ang internal rules habang pinapanatili ang mandato ng Konstitusyon.