Marawi City – Naniniwala ang Taskforce Bangon Marawi na hindi makaaapekto sa rehabilitasyon ng Marawi City ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag tumanggap ng mga grants o tulong mula sa European Union.
Sa Mindanao Hour sa Malacañang ay sinabi ni Takforce Bangon Marawi Spokesman Assistant Secretary Kris Purisima na hindi makaaapekto sa rehabilitasyon ang desisyon ni Pangulong Duterte dahil hindi lang naman ang EU ang tumutulong sa gobyerno.
Paliwanag ni Purisima, mayroon namang World Bank, Asian Development Bank at iba pang donors mula sa pribadong sector ang nagpahayag ng kahandaang tumulong sa rehabilitasyon ng Marawi City.
Nakahanda naman aniyang magpulong ang Finance Committee ng taskforce para talakayin ang mga hakbang na dapat tahakin kaugnay sa pagtanggap ng tulong mula sa ibat-ibang sources.