Desisyon sa pagpapalit ng House Speaker, nakasalalay sa desisyon ng mga kongresista

Iginiit ni Deputy Speaker LRay Villafuerte na nakasalalay pa rin sa desisyon ng mga kongresista ang isyu sa pagpapalit ng Speaker.

Ito ay kasunod ng balitang sa October 14 ay papalitan na ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco si Speaker Alan Peter Cayetano alinsunod na rin sa kanilang ’15-21 term-sharing agreement’ matapos ang ginawang pulong kagabi kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.

Tiniyak ni Villafuerte na igagalang at kikilalanin ni Cayetano ang kasunduan sa pagitan nila ni Velasco ngunit nasa mga miyembro pa rin ng Kamara ang pagpapasya sa kung sino ang pipiliing maging lider.


Kailangan aniyang makumbinsi ni Velasco ang mga kongresista na walang magiging palitan sa Committee Chairmanships at maipapasa ng maayos ang pambansang pondo.

Sinabi pa ni Villafuerte na sa nangyaring pulong kagabi ay sinabi mismo ni Cayetano sa Presidente na handa siyang bumaba sa pwesto magkagayunman ay wala din siyang magagawa kung panatilihin siyang Speaker ng mga kasamahang mambabatas.

Facebook Comments