Manila, Philippines – Isa lamang panlilinlang sa publiko ang idineklarang tigil putukan ng New People’s Army (NPA) ngayong Semana Santa.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Public Affairs Office Chief Lieutenant Colonel Emmanuel Garcia, hindi kapani paniwala ang kanilang deklarasyon dahil tanging umano ay tagapagsalita lamang ng kanilang isang guerilla front ang nag anunsyo ng tigil putukan.
Posible aniyang pinirmahan lang ito ng kanilang isang regional organization.
Sa panig naman ng gobyerno ang pagdedeklara ng Suspension of Military Operation o SOMO ay nakabatay sa political leadership ibig sabihin tanging Pangulo ang magdedesisyon kung kinakailangang magdeklara ng SOMO.
Sa ngayon wala pang natatangap na utos ang AFP na magdeklara nito para sa Semana Santa.
Naniniwala ang AFP na inanunsyo lang ito ng NPA upang mapilitang magdeklara ng SOMO ang gobyerno nang sa ganun malaya silang makakapag atake, makakapag-recruit at gumawa ng iba pang iligal na aktibidad lalo at magdiriwang sila ng kanilang founding anniversary sa March 29.
Sinabi pa ni Garcia na masyado nang desperado ang NPA dahil naghahanap sila ng oportunidad upang makapaghasik ng gulo kahit pa Holy Week.