Pinakikilos ni ACT-CIS Partylist Rep. Jocelyn Tulfo ang Department of Finance (DOF), Department of Budget and Management (DBM), at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na isapubliko ang mga inutang ng bansa para sa COVID-19 response.
Inirekomenda ni Tulfo sa mga ahensya na lumikha ng full disclosure website kung saan dito ilalagay ang detalyadong utang ng bansa na ginamit para tugunan ang epekto ng pandemya, foreign man ito o domestic debt.
Ang nasabing website ay dapat ma-a-access ng lahat ng mga Pilipino saan man o anumang oras.
Ipinatatala sa website ang accounting at detailed na foreign at domestic debts ng bansa kasama na dito ang terms, disbursement status, implementation, results, at audit.
Iginiit ng kongresista na karapatan aniya ng mga Pilipino na malaman kung saan talaga napupunta ang mga malalaking halaga na inutang ng pamahalaan.