Aminado ang Department of Foreign Affairs (DFA) na may pagkakataon na natatagalan ang diplomatic action sa isang insidente tulad ng isyu sa South China Sea.
Ayon kay DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza, may sinusunod kasing proseso ang DFA bago nito aksyunan ang mga isyu tulad ng insidente sa Ayungin Shoal sa pagitan ng mga Pilipinong mangingisda at ng China Coast Guard.
Ipinaliwanag ni Daza na kailangan muna kasing i-assess ng DFA ang mga natatanggap nilang official reports mula sa maraming ahensya ng pamahalaan.
Iginiit ng opisyal na committed ang DFA sa pagbabantay sa mga karagatan ng bansa at sa isyu ng South China Sea.
Kaugnay nito, sinabi ni Daza na nagpapatuloy pa ang verification at assessment ng DFA sa napaulat na pagpapaalis ng China Coast Guard sa ilang Pinoy fishermen sa bahagi ng Ayungin Shoal.
Tiniyak ng opisyal na agad nila itong aaksyunan sa pamamagitan ng note verbale o diplomatic protest batay sa verification at assessment.