DFA at BI, pagpapaliwanagin ng House Quad Committee kung paano nakalabas ng bansa si Atty. Roque

Screenshot from Harry Roque/Facebook

Ipapatawag sa susunod na pagdinig ng House Quad Committee ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Bureau of Immigration (BI) para magpaliwanag kung paano nakalabas ng bansa si Atty. Harry Roque.

Sinabi ito ni Quad Comm Co-chairman at Abang Lingkod Party-list Representative Joseph Stephen Paduano, makaraang makita si Roque na kasama ni Vice President Sara Duterte sa The Hague.

Si Roque ay nagtatago simula pa noong Setyembre ng nakaraang taon makaraang i-cite for contempt at ipa-aresto ng Kamara dahil sa kabiguang maisumite ang mga dokumento na hinihingi ng komite ukol sa imbestigasyon nito sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).


Nilinaw naman ni Quad Comm Overall Chairman at Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers na contempt order at pagpapa-aresto laban kay Roque ay mayroon lamang bisa sa Pilipinas at hindi sakop ng Interpol.

Dagdag pa ni Barbers, walang kaugnayan ang umiiral na contempt order ng quad comm laban kay Roque sa kaniyang pagiging abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments