Sen. Bato dela Rosa, iginiit na may legal implications ang patuloy na pagpapatupad ng PNP ng arrest warrant ng ICC

Nagbabala si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa Philippine National Police (PNP) patungkol sa mga legal na implikasyon kung patuloy na ipatutupad ang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Dela Rosa, lahat ng ginagawa ng PNP ay iligal dahil ang warrant of arrest na isinilbi ng mga ito ay hindi galing sa mga competent authorities.

Batid ni Dela Rosa na darating sa puntong lalabas ang kaniyang warrant of arrest at huhulihin din siya ng PNP.


Gayunman, sinabi ng senador na hindi siya manlalaban sa mga dating subordinates sa PNP at kakausapin lang niya ang mga ito sakaling sila ang magsisilbi ng warrant of arrest laban sa kanya.

Samantala, tiniyak ni Senate President Chiz Escudero ang kahandaan na bigyang proteksyon si Dela Rosa at hindi papayag na maaresto ang senador kapag nasa loob ito ng bakuran ng Mataas na Kapulungan.

Facebook Comments