Nanawagan si Senator Francis Tolentino sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa Department of Migrant Workers (DMW) na magpatupad na ng contingency measures upang maprotektahan ang lahat ng mga Pilipinong nasa Middle East na naiipit ngayon sa giyera sa pagitan ng Iran at Israel.
Nitong Linggo ay gumanti ng drones at missiles attack ang Iran sa Israel matapos na unang atakihin ng Israel ang konsulado ng Iran sa Syria.
Iginiit ni Tolentino na sa kasalukuyan ay kinakailangan ng agarang aksyon mula sa mga ahensya upang matukoy kung ilan na ang bilang ng mga Pinoy overseas sa bawat bansa sa Middle East.
Pinasusuri din agad ng senador ang panganib sa kinalalagyan ng mga Pilipino gayundin ang ilalatag na hakbang base sa proximity o distansya mula sa lugar ng kaguluhan.
Batay sa tala ng DFA noong 2020, mahigit 2.2 milyon na mga overseas Filipinos ang nakatira sa 16 na bansa sa Gitnang Silangan kung saan pinakamarami sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Kuwait at Qatar.