DFA at DND, pagpapaliwanagin ng Senado kaugnay sa Benham Rise

92

Manila, Philippines – Pagpapaliwanagin ni Senate Committee on Economic Affairs Chairman Sherwin Gatchalian ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Department of National Defense (DND).

 

Ayon kay Gatchalian, kaugnay ito sa kaduda-dudang Chinese activity sa Benham Rise na sakop ng teritoryo ng Pilipinas.

 

Ang pagdinig ay itinakda ngayong darating na Miyerkules, March 29, katuwang ang Senate Committee on Finance na pinamumunuan naman ni Senator Loren Legarda.

 

Binigyang diin ni Gatchalian na mahalagang mapakinggan ang panig ng DFA at DND para bumalangkas ng Kongreso ng pangmatagalang estratehiya na magtataguyod at magdidepensa sa ating karapatan sa Benham Rise.

 

Target din ng pagdinig na mabatid kung ano na ang naging ugnayan o diplomatic exchanges sa pagitan ng China at ng ating pamahalaan kaugnay sa nasabing usapin.

 

Agad namang nilinaw ni Gatchalian na magiging objective ang kanyang komite sa pagtalakay sa isyu upang maiwasang mahaluan ito ng pulitika.

 

Hangad din ng pagdinig na makapaglatag ng panuntunan para sa responsableng pangangalaga sa mahalagang likas-yaman na matatagpuan sa Benham Rise.

 

Ayon kay Gatchalian, importanteng makapagsagawa agad ng malalimang scientific research sa Benham Rise upang mabalangkas kung paano mapapakinabangan ng mga Pilipino ang marine at energy resources nito.




Facebook Comments