Iminungkahi ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd District Representative Joey Salceda sa Department of Foreign Affairs (DFA) na magpadala ng note verbale sa Singaporean Embassy.
Ito ay para humingi ng paliwanag ukol sa napa-ulat na binigyan ng “exclusivity terms” ng Singapore Tourism Board at Ministry of Culture, Community and Youth ang production company na AEG Presents para solohin ang concert ni Taylor Swift.
Para kay Salceda, hindi magandang gawain ng singapore bilang kapitbahay na bansa na ipagkait sa ibang Southeast Asian countries ang pagtatanghal ng nabanggit na multi-awarded artist.
Nabatid ni Salceda na dahil sa concert ni Swift ay tumaas ang regional demand sa hotels at airlines ng 30% sa Singapore at tumaas ang industry revenues nito ng 60 million US Dollars.
Diin ni Salceda, masakit at hindi dapat palampasain ang nabanggit na ginawa ng Singapore na mabuting kaibigan ng Pilipinas.
Giit ni Salceda, taliwas ito sa prinsipyo ng consensus-based relations and solidarity na syang pundasyon ng pagtatag ng ASEAN.
Sa tingin ni Salceda, kailangan itong talakayin sa ating mga kalapit na bansa sa layuning mareporma at mapahusay pa ang itinatakda ng ASEAN Trade in Services Agreement.