DFA: Embahada ng Pilipinas sa Iran, nakatakdang bisitahin ang 18 Pilipinong tripulante ng oil tanker na kinubkob sa Gulf of Oman

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa gobyerno ng Iran para mapalaya ang 18 tripulanteng Pilipino na lulan ng isang oil tanker na kinubkob sa Gulf of Oman.

Ayon kay Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo De Vega, nakatakdang bisitahin sa darating na weekend ng Embahada ng Pilipinas sa Iran ang mga nasabing Pinoy na nasa bahagi ngayon ng Iran.

Paglilinaw ni De Vega, na hindi mga armadong grupo ang kumubkob sa mga ito kundi mismong mga tauhan pala ng Iranian Navy.


May koneksiyon umano ito sa court order ng gobyerno ng Iran dahil ang naturang barko ay ginamit noon para maghatid ng langis sa ibang bansa kahit na may export ban.

Gayunman, sinabi naman ni De Vega na siniguro sa kanila ng Iran government na agad na reresolbahin ang problema dahil itinuturing nilang kaibigan ang Pilipinas.

Sa ngayon, nasa maayos naman na kondisyon ang mga nabanggit na mga Pilipino.

Facebook Comments