DFA, iginiit na dapat i-review ng China ang mga batas hinggil sa planong paghuli sa mga dayuhan na papasok sa South China Sea

Nagpahayag ng seryosong pagkabahala ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa bagong regulasyon ng China Coast Guard, na huhulihin nang walang paglilitis ang mga dayuhan na iligal na manghihimasok sa South China Sea.

Ayon sa DFA, hindi maaaring ipatupad ang mga domestic law ng isang estado sa teritoryo, maritime zones o hurisdiksyon ng ibang estado at hindi rin maaaring labagin ang mga karapatan ng sovereign state sa ilalim ng international law.

Iginiit ng DFA na direktang malalabag ng China ang international law kapag ipinatupad ang mga bagong regulasyon nito sa loob ng iligal na 10-dash line nito, kung saan masasakop pati ang mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.


Sinabi ng DFA na dapat tiyakin ng China na ang mga regulasyon at batas nito ay alinsunod sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), 2016 Arbitral Award at sa 2002 Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC).

Facebook Comments