
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Pilipinong nasaktan sa walong missile attack sa US diplomatic at logistics facility sa Baghdad International Airport kahapon, March 22.
Ayon sa DFA, sa ngayon, pinalawig ng Iraqi Civil Aviation Authority ang airspace closure para sa lahat ng flights hanggang sa March 25, 2026.
Ang lahat naman ng flights ng Iraqi Airways ay suspendido hanggang sa April 2.
Kinumpirma naman ng DFA na nagbigay ang Iraqi Ministry of Interior ng pitong araw na transit visa sa stranded foreign nationals sa Iraq para sa kanilang ligtas na pag-uwi.
Mahigpit naman na ipinagbabawal ng Iraqi authorities ang pag-post ng mga larawan at videos mula sa strike sites para maprotektahan ang sensitive locations.
Pinaiiwas din ang publiko sa mga apektadong lugar at pinapayuhan ang media na mag-report ng tama at iwasang magsapubliko ng detalye ng operasyon.
Nananatili namang bukas ang land borders ng Iraq sa Turkey, Kuwait, at Jordan.










