Muling maghahain ng panibagong diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa China.
Ito’y matapos na i-ulat ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) na nananatili ang nasa 240 na barko ng China sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Sa naging post sa social media ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin Jr., inatasan niya ang DFA na ihain agad ang nasabing protesta.
Aniya, araw-araw silang maghahain ng diplomatic protest hangga’t hindi umaalis ang mga barko ng China sa mga karagatang sakop ng ating bansa.
Inihayag pa ng kalihim na karaniwang mga aktibidad na ginagawa ng mga Chinese vessels ay ubusin ang mga yamang dagat na pag-aari ng ating bansa base na rin sa inilabas na desisyon ng United Nations Convention for the Law of the Sea (UNCLOS) upang wala na daw mapakinabangan ang ating mga mangingisda.
Matatandaan na ipinatawag ng DFA ang ambassador ng China sa Pilipinas dahil pa rin sa reklamong pananatili ng mga barkong Tsino sa Julian Felipe reef sa West Philippine Sea.
Pinagpaliwanag ng DFA si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian dahil na rin sa “ilegal” na pananatili ng kanilang mga barko.