Naghain ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng panibagong diplomatic notes sa China.
Ito ay bilang protesta sa patuloy na mga aktibidad at presensya ng Chinese vessels sa Philippine maritime zones na paglabag sa soberenya ng Pilipinas, sa sovereign rights at hurisdiksyon.
Ayon sa DFA, ang bagong diplomatic protests ay bahagi ng araw-araw na protestang inihahain ng pamahalaan sa patuloy na presensya ng Chinese vessels sa Julian Felipe Reef.
Partikular ang 160 Chinese fishing vessels at Chinese Maritime Militia vessels at 5 Chinese Coast Guard vessels na naka-deploy sa bisinidad ng Pag-asa Islands, Bajo de Masinloc at Ayungin Shoal.
Sa diplomatic protests ng DFA, pinaalalahanan nito ang China na ang Bajo de Masinloc, Pag-asa Islands, Panata, Parola, Kota Islands, Chigua at Burgos Reefs ay integral parts ng Pilipinas.
Ito anila ay labag sa pangako ng China na tumulong sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Dine-demand din ng DFA ang pagtalima ng China sa international law, kabilang na ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ang final at binding South China Sea arbitral award noong 2016.
Pinaalalahanan din ng DFA ang China sa commitments nito sa ilalim ng 2002 ASEAN-China Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea, partikular ang exercise of self-restraint pursuant to Paragraph 5.