Inanunsiyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pag-dissociate o pagkalas ng Pilipinas sa consensus ng resolusyon ng UN Human Rights Council laban sa mga opisyal ng Myanmar sa harap ng nangyayaring military coup sa nasabing bansa.
Ayon sa DFA, bagama’t sumusuporta ang Pilipinas sa panunumbalik ng demokrasya sa Myanmar, hindi anila tamang panghimasukan ang problemang-panloob ng isang bansa.
Binigyang-diin pa ng DFA na hindi sagot sa pagreporma ng demokrasya ng isang bansa ang foreign solutions maging ito man ay regional o multilateral contexts, kabilang na ang nasabing council.
Sa nasabing resolusyon ng UN Human Rights Council, inaatasan ang mga opisyal ng Myanmar na palayain si Elected Leader Aung San Suu Kyi at iba pang mga opisyal at iwasan ang paggamit ng dahas laban sa mga nagpoprotesta laban sa military coup.
Nakasaad din sa resolusyon ang panawagan sa Myanmar military na alisin nito ang restrictions sa internet, telecommunication at social media, at protektahan ang karapatan ng mga demonstrador sa malayang paglalabas ng opinyon, paniniwala at mapayapang pagtitipon.
Una na ring nagpahayag ng “dissociation” sa nasabing UN resolution ang China, Russia, Bolivia at Venezuela.
Habang ang Amerika ay nagpatupad ng sariling sanction laban sa Myanmar.
Una na ring kinumpirma ng DFA na nagkakasa ito ng repatriation sa mga Pilipinong naiipit ngayon sa kaguluhan sa Myanmar.