DFA, nilinaw na walang koneksyon ang kasalukuyang isyu ng Kuwait na hindi pagpapalabas ng bagong visa sa insidente ng hit and run ng mga Pinoy biker

Walang kinalaman ang kasalukuyang isyu ngayon ng Kuwait government na pagtigil sa pag-iisyu ng panibagong visa sa mga new entry at working visa.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Migrant Workers Affairs Usec. Eduardo de Vega na walang ebidensya na may koneksyon ang dalawang isyu.

Ang mahalaga aniya ngayon ay sinasagot ng Kuwaiti government ang gastusin sa ospital ng mga nasugatang Pinoy bikers sa naganap na hit and run.


Sakali namang dumating sa puntong kailangang huminto sa trabaho ang mga nasugatang mga Pinoy bikers na ayon kay De Vega ay documented Overseas Filipino Workers (OFWs) kailangang magbayad ng danyos ang driver na nakasagasa sa mga ito na ngayon ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad sa Kuwait.

Tiniyak din ni Usec. De Vega na may ayuda ring matatanggap mula sa OWWA at Department of Migrant Workers ang mga naaksidenteng OFW.

Hindi rin ikinokonsidera ni De Vega na hate crimes ang nangyari sa Pinoy bikers dahil kultura raw talaga ng Kuwaiti citizens na hindi gusto ang mga cyclist o bikers sa kalsada.

Marami na aniyang ganitong insidente ng pananagasa sa mga biker na hindi mga Pilipino.

Batay sa huling monitoring ng DFA, wala sa critical conditions ang mga nasagasaan na mga Pinoy biker.

Facebook Comments