Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Embahada ng Pilipinas sa Kuwait matapos maiulat na sinuspinde umano ng nasabing bansa ang pagbibigay ng visa sa mga manggagawang Pilipino.
Batay sa ulat, naglabas ng circular si Kuwaiti Deputy Prime Minister at Interior Minister Talaal Al Khalid na nagpapatigil sa issuance ng visa sa mga manggagawang Pinoy dahil sa kabiguang tumupad ng Pilipinas sa nilagdaang labor agreement sa pagitan ng dalawang bansa.
Magugunitang 2018 nang pumirma ng isang Memorandum of Understanding sina noo’y Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano kasama ang mga opisyal ng Kuwait.
Pinirmahan ito sa kabila ng nangyaring sigalot sa pagitan ng dalawang bansa bunsod ng kontrobersyal at hindi umano awtorisadong “rescue” video ng DFA sa mga inabusong Overseas Filipino Worker (OFW) doon.
Giit ng Kuwait, paglabag ito sa kanilang soberenya na siyang nagresulta naman sa pagpapalayas sa dating ambahador doon ng bansa na si Renato Villa.
Samantala, nilinaw ng ahensiya na wala pa silang natatanggap na komunikasyon mula sa pamahalaan ng bansang Kuwait.