Nanawagan na ang Pilipinas sa China sa sumunod sa 2016 arbitral ruling na nagbabasura sa pag-aangkin nito sa buong South China Sea.
Nabatid na July 12 o apat na taon na mula nang ibinaba ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands ang arbitral ruling kung saan pinaboran nito ang maritime entitlements ng Pilipinas sa West Philippines Sea.
Sa statement, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na ang pagsunod sa nasabing award ay pagtalima rin sa obligasyon ng Pilipinas at China sa ilalim ng international law, kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Sinabi ni Locsin na ang Pilipinas ay isang ‘law-abiding,’ ‘peace loving,’ at ‘responsible’ member ng international community.
Igniit ng kalihim na ang arbitral award ay “non-negotiable.”
Nakasaad sa ruling na ang sinasabing historical rights ng China sa loob ng “nine-dash line” ay walang basehan sa ilalim ng batas.
Anumang claims o historic rights o iba pang sovereign rights o jurisdiction na lalagpas sa geographic at substantive limits na itinakda ng UNCLOS ay walang legal na epekto.
Nalabag din ang soberenya ng Pilipinas sa exclusive economic zone nito mula nang magtayo ang China ng artificial islands at magkaroon ng malawakang reclamation doon.
Nasira din ang marine ecosystem sa lugar nang magsagawa ng malawakang paghuli ng endangered marine species doon.
Binigyang diin ni Locsin na ang arbitration award na napanalunan ng Pilipinas ay isang malaking kontribusyon sa pagkakaroon ng mapayapang resolusyon na pagresolba ng isyu ng agawan ng teritoryo sa South China Sea at pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Ang arbitral ruling ay maituturing na tagumpay hindi lamang para sa Pilipinas kundi maging sa mga bansang tumatalima sa batas.