DFA, pinakikilos para sa paglaya ng ibang OFWs

Manila, Philippines – Pinakikilos ni ACTS OFW PL Rep. John Bertiz ang Department of Foreign Affairs na tulungan din ang ibang mga OFWs na nahaharap sa death row at mga kaso sa ibang bansa.

Ito ay matapos ang pag-acquit sa Pinay OFW na si Jennifer Dalquez na nahaharap sa parusang kamatayan sa United Arab Emirates dahil sa kasong murder matapos na mapatay nito ang kanyang amo na tinangka siyang gahasain.

Ayon kay Bertiz, dapat gawin din ang kaparehong hakbang sa ibang mga OFWs na nakakulong lalo na’t marami sa mga kababayan ay inosente sa mga kasong ibinibintang sa kanila.


Dagdag pa ni Bertiz, ang pagpapawalang sala kay Dalquez ay magbibigay pag-asa sa mga OFWs lalo na ang mga nasa death row.

Paglilinaw naman ng kongresista na nirerespeto nila kung anuman ang desisyon ng bansa kung saan may kaso ang isang OFW pero panawagan nito sa pamahalaan na gawin ang lahat ng paraan para mapababa ang sentensya o maialis sa parusang kamatayan.

Pinuri din ni Bertiz ang DFA, DOLE, embahada ng Pilipinas sa UAE at mga NGOs na kumilos para sa pagpapalaya Kay Dalquez.

Facebook Comments