Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakikipag-ugnayan na sa Filipino community leaders sa Sri Lanka ang Philippine Embassy sa Dhaka, at ang Philippine Honorary Consulate sa Colombo.
Ito ay para alamin ang kalagayan ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng krisis pang-ekonomiya ng Sri Lanka.
Ayon sa DFA, masusing mino-monitor ng nasabing mga partido ang kalagayan ng mga Pinoy roon at sa ngayon ay wala pa naman daw OFWs ang humihiling ng repatriation.
Karamihan naman daw kasi sa mga Pinoy roon ay hindi pa naman nawawalan ng trabaho sa harap ng pagbagsak ng ekonomiya ng Sri Lanka.
Sa kabila nito, tiniyak ng DFA na agad silang makikipag-ugnayan sa Labor department sakaling kailanganin ang paglilikas sa OFWs doon.
Sa ngayon, halos 600 ang mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa Sri Lanka.