“Lunatic statement”
Ito ang paglalarawan ni Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa pahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing hinggil sa constitutionality ng revolutionary government (RevGov) at sa tinatawag na ‘right to revolt.’
Ayon kay Locsin, isang kabaliwan ito at walang ganitong karapatan.
Ang pagsusulong ng RevGov ay pagbawi sa mga karapatan.
Kinontra din ni Locsin ang pahayag ni Densing na idineklara noon ni dating Pangulong Corazon Aquino ang revolutionary government nang palitan niya si dating Pangulong Ferdinand Marcos na umalis sa bansa noong Pebrero 1986.
Iginiit ni Locsin na nanalo si Aquino sa ilalim ng Marcos Constitution na nagbigay sa kaniya ng dalawang termino, ngunit naniniwala ang dating Pangulo na sapat na ang isang termino.
Payo ni Locsin sa mga nagsusulong ng RevGov, bumuo na lamang ng cheering squad at tumayo sa labas ng Malacañang at pumalakpak.
Nabatid na sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na ang pagtatatag ng revolutionary government ay hindi “matter of law” pero “matter of politics.”
Si Locsin ay isa ring abogado na may hawak na Master of Laws mula sa Harvard Law School.