Tiniyak ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang sanctions na kahaharapin ni Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro.
Kaugnay ito ng pagmaltrato niya sa kaniyang Filipino household staff sa Brazil kung saan nakunan pa ito ng video footages.
Ayon kay Locsin, kabilang sa sanctions na maaaring kaharapin ni Mauro ang administrative at criminal charges.
Iginiit din ni Locsin na sa ilalim ng kaniyang pamumuno ay hindi niya kukunsintihin ang sino mang opisyal o tauhan ng DFA sa abroad na lalabag sa kanilang pangunahing mandato.
Partikular dito ang pagtiyak sa kapakanan at proteksyon ng mga manggagawang Pinoy sa ibayong-dagat.
Malinaw aniya sa umpisa pa lamang ng panunungkulan ni Pangulong Duterte na sa ilalim ng kaniyang administrasyon, gagawin ng gobyerno ang lahat para maprotektahan ang karapatan ng bawat Filipino worker sa abroad.
Muli ring nagpa-alala si Locsin sa Filipino diplomats na kapag sila ay kukuha ng household staff, dapat aniyang Pilipino ang i-hire ng mga ito at hindi ang mamamayan ng bansa kung saan sila naka-assign.