Tutol si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa ideyang palawakin ang travel ban upang isama ang bansang Singapore na mayroon na din kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease o COVID–19.
Sa naging pahayag ni Locsin, hindi dapat ikunsidera ang ban sa bilang lamang ng kumpirmadong kaso ng virus sa bansa.
Aniya, dapat daw tignan ang kakayahan ng bansa na panghawakan ang sarili laban sa COVID-19 bago ideklara ang ban.
Pinahayag ni Locsin ang kanyang pagtaliwas sa kanyang twitter account kung saan sinabing hindi dapat kumapit ang ban sa bilang lamang ng kumpirmadong kaso ng virus sa bansa.
Matatandaan na nauna nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na kinokonsidera nila ang travel ban dahil sa COVID-19 pero iaakyat niya muna ito sa inter-agency task force kung dapat bang isama ang Singapore sa travel ban.
Nasa mahigit 200,000 na mga Pilipino ang nasa Singapore at base naman sa pinakahuling ulat ng World Health Organization (WHO), mayroong 67 na kumpirmadong kaso sa nasabing bansa.