DFA, umapela sa mga Pinoy sa Ukraine na makipag-ugnayan sa embahada para sa kanilang pangangailangan

Umapela ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa lahat ng Pilipino sa Ukraine na agad makipag-ugnayan sa embahada ng bansa doon at ipabatid ang kanilang sitwasyon.

Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola na importanteng malaman ng pamahalaan kung sino pa at nasaang mga lokasyon ang mga Pilipino roon.

Sa ganitong paraan aniya, malalaman ng pamahalaan kung ano ang pangangailangan ng mga ito at paano sila matutulungan.


Mahalaga aniya ito lalo na kung nais nilang makibahagi sa repatriation efforts ng bansa.

Sa kasalukuyan, nasa 181 Pilipino pa lamang sa Ukraine ang nakipag-ugnayan sa embahada at nagpabatid ng kanilang lokasyon.

Nasa 37 naman ang biyaheng Poland upang makibahagi sa repatriation effort ng bansa.

Facebook Comments