DHSUD at mga LGU sa NCR, magtutulungan para tugunan ang housing gap

Nakahanap ng kaalyado ang Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) sa ilang alkalde ng Metro Manila para aktibong tugunan ang housing gap.

Nauna rito, naglatag ng istratehiya si DHSUD Secretary Jose Acuzar kina Pasig City Mayor Vico Sotto, Pasig Rep. Roman Romulo, Malabon City Mayor Jeannie Sandoval at Vice Mayor Ninong dela Cruz at si Caloocan City Mayor Dale Malapitan.

Sa naturang pulong, inilatag ni Acuzar ang plano nitong pagsamahin ang mga private developer at mga financial institutions para sa mabilis na housing production.


Ayon kay Acuzar, naging positibo ang tugon ng mga local government unit (LGU).

Sa katunayan, nagbigay ang mga local chief executives ng commitment na tutulong sa pagtukoy ng mga lote o government land na maaring pagtayuan ng public housing projects.

Plano ng DHSUD chief na makaugnayan ang iba pang mga LGU sa susunod na mga araw para makumbinsing maging partner sa mabilis na pagtatayo ng mga housing projects sa mga informal settler families sa kanilang mga nasasakupan.

Nauna na ring humarap sa Senate Committee on Urban Development, Housing and Resettlement si Acuzar upang iulat ang kaniyang plano.

Kabilang dito ang target na makamit na maibaba ang kakulangan sa pabahay ng hanggang 6.5 million units.

Facebook Comments