Sanib pwersa ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para magkaroon ng sapat na workforce para sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ng gobyerno.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), nagkasundo ang DHSUD at TESDA para sa mga kinakailangang pagsasanay ng mga manggagawa sa pagpapatayo ng mga bahay.
Tinatayang nasa 1.7 milyong trabaho ang maitutulong ng programa sa mga karpintero, tubero, mason at electrician kapag nagsimula na ang konstruksyon ng pabahay.
Una nang sinabi ni DHSUD Sec. Jose Rizalino Acuzar na nakikita nilang magkakaproblema sa kakulangan ng mga manggagawa kapag nag-full blast na ang construction.
Kaya naman para matugunan ito, nakipag-usap sila sa TESDA para sa training ng skilled workers.
Gusto rin aniya ng gobyerno na bilisan ang pagtatayo ng mga bahay para agad maipamahagi at mapakinabangan ng mga benepisyaryo.
Sa ngayon ay umaabot na sa 17 housing projects ang nakapag-ground breaking habang nasa 70 ang Memorandums of Understanding sa ilalim ng Pambansang Pabahay.