Inaprubahan na ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang pagpapalabas ng dagdag na ₱8-billion stimulus package para sa mga partner-developers na apektado ng pandemya.
Kasunod naman ito ng rekomendasyon ng Pag-IBIG management na padagdagan pa ang naunang ₱2-billion House Construction Financing Line bilang economic stimulus package sa mga accredited ng Pag-IBIG Fund developers na nangangailangan ng bridge financing.
Sa ilalim ng House Construction Financing Line, makakapag-avail ang mga partner-developers ng bridge financing na may 6.125% interest rate per annum.
Pero, pwedeng maging 1.5% o 3% na lamang kung mababayaran ito ng tatlo o anim na buwan.
Nauna nang pinayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang panunumbalik ng public and private infrastructure projects, partikular sa housing sector.
Naniniwala si DHSUD Secretary Eduardo Del Rosario na malaki ang kontribusyon ng housing industry sa muling pagpapaandar ng ekonomiya.
Aniya, kung maibabalik agad ang sigla ng real estate activities, maraming Pilipino ang mabibiyayaan ng trabaho sa construction supply chain na kinakailangan para gapiin ang COVID-19.