Aminado ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na hindi madaling solusyunan ang kawalan ng disenteng pabahay sa bansa.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DHSUD Secretary Eduardo del Rosario na malaki kasi ang pondong kakailanganin dito.
Aniya nasa P50-B kada taon ang kailangan para makapagpagawa ng bahay, mai-transfer ang mga informal settler family sa safer grounds at upang sila ay mai-relocate.
Pero sa kasalukuyan ay nasa 10% lamang ng budget o P5-B lamang na pondo ang kanilang natatanggap.
Malaking bahagi kasi ng pondo ng pamahalaan ay inilaan para sa COVID-19 response.
Kasunod nito, iniulat ni Del Rosario na nasa 84% o 1.07 milyong housing units ang naipatatayo na ng ahensya mula sa target nilang 1.2 milyong pabahay sa nakalipas na taon hanggang 2022.
Giit pa nito, on track sila sa kanilang misyon na makapagpagawa ng mga pabahay para sa mga Pilipino alinsunod sa Philippine development plan target.